
Ika ng iba, “Hindi mo lubos na matututunan ang Baybayin kung hindi mo rin matututunan ang kasaysayan nito.”
Masasabi kong marahil ay totoo nga ito. Sa tulad ko na walang hilig o interes sa kasaysayan ngunit mula noong nahulog ang loob ko sa pagsulat ng Baybayin, nagkainteres na ako sa kasaysayang kalakip. Masasabi kong nahulog na rin ang loob ko rito.
Napaka laki at napaka habang diskusyon kung tatalakayin ang pagiging makabayan ng mga Pilipino. Sa isang bansang lubos na naimpluwensyahan ng mga dayuhan, mahirap na ang matanto kung ano ang mga bagay na maka-Pilipino sa hindi. Ngunit sa pag-usbong nang mga taong nagnanais na aralin at isulong ang pagsulat ng Baybayin at ng iba pang mga sulat sa Pilipinas ng mga sinaunang tao, unti-unting nabubuksan ang isipan ng bagong henerasyon ngayon na lumingon sa nakaraan at alamin ang kasaysayan.
Marahil nabuburyong din kayo kapag kasaysayan ang pinag-uusapan tulad ko ngunit sa pag-aaral ng mga sinaunang sulat ng Pilipinas, ang kasaysayan ay nagiging isang interesanteng paksa sa mga talakayan. Sa Facebook Group na baybayin, iba’t ibang henerasyon ng mga tao ang makakasalamuha mo ngunit ang lahat ay nagkakaisa sa pag-aaral ng pagsusulat at pagtalakay ng kasaysayan ng mga sulat sa Pilipinas.
Nawa’y hindi lamang ang mga sinaunang sulatin sa Pilipinas pati na rin ang iba pang mga bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang mapag-interesang paksa upang talakayin o pag-usapan hindi lamang ng mga Pilipinong nasa dating henerasyon kundi pati na rin ang mga nasa bagong henerasyon ngayon. Kung mapangyayari ito, suguradong madali na nating matutukoy ang sariling atin.